LA UNION – Suspindo ang klase sa halos lahat ng lugar sa lalawigan ng La Union kabilang na ang San Fernando City.
Matapos ang nangyaring malawakang pagbaha kahapon sa syudad, nagpasya ang lokal na pamahalaan ng San Fernando na suspindihin ang klase sa lahat ng antas (public at private schools) at pati na rin pasok sa trabaho ng mga local government offices.
Maliban sa San Fernando, nag-anunsiyo rin ng maagang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas (public at private schools) ang bayan ng Bauang, Bacnotan, Balaoan, Bangar, Sudipen, Luna, San Juan, Santol, San Gabriel, Caba, Aringay, Bagulin, Burgos, Naguilian at Tubao.
Sa bayan ng Agoo, mula pre-school hanggang elementarya lamang (public and private schools) ang walang klase ngayon araw.
Samantala, sa bayan ng Balaoan, inilipat naman ni Mayor Aleli Concepcion sa September 11 ang nakatakda sanang patronal fiesta celebration ngayon araw sa Balaoan Farmers Civic Center.
Ang ginawang pagsuspinde ng klase ng mga naturang lokal na pamahalaan ay dahil na rin sa patuloy na nararanasang malakas na pag-ulan na dala ng habagat o southwest monsoon.
Ito’y para na rin sa kaligtasan ng lahat kontra sa baha, landslide, at iba pang aberya na posibleng maranasan ng mga estudyante at manggagawa.