Inihayag ng ilang koalisyon ng mga guro, human rights advocates at iba pa na sila’y patuloy na umaasa na diringgin ng Korte Suprema ang kanilang hiling na ipatigil ang implementasyon ng 2025 National Budget ng bansa.
Sa petisyon ng Teacher’s Dignity Coalition, Philippine Alliance of Human Rights Advocates, Philippine Freedom from Debt Coalition, mariin pa rin nilang kinukondena ang kinalabasan sa naging budget allocations ng gobyerno para sa kasalukuyang taon.
Ayon sa abogado ng mga petitioners na si Atty. Jose Aaron Pedrosa Jr, naniniwala ang kanilang panig na may naging paglabag ang gobyerno sa mandato ng konstitusyon.
Aniya, masasabing nagkaroon ng negligence ang pamahalaan hinggil rito matapos maglaan ng malaking pondo umano sa ibang ahensiya kumpara sa naging budget nito sa sektor ng edukasyon.
‘Umaasa tayo na ang Korte ng Suprema ay ititigil itong impunity. Sabi nga natin, government neglect which orders on the criminal. Kasi pinalabas nilang malaki yung budget ng education na hindi naman,’ ani Atty. Jose Aaron Pedrosa Jr., Counsel for Petitioners.
Ayon naman kay National Chairperson Benjo Basas ng Teacher’s Dignity Coalition, ang 2025 General Appropriations Act ng bansa ay masasabi ring paglapastangan sa konstitusyon dahil aniya’y hindi umano nasunod ang nakasaad sa mandato na dapat edukasyon ang pinaglalaanan ng may pinakamalaking pondo.
‘Sa tingin namin ito ay paglapastangan duon sa ating simpleng common sense na alam natin traditionally and historically ang DepEd, DepEd alone hindi pa kasama ang TESDA… traditionally ito po ang pinakamataas na budget na ahensiya,’ ani Benjo Basa, National Chairperson ng Teacher’s Dignity Coalition.
Samantala, kaugnay naman sa usapin ng 2025 General Approriations Act, ang nakatakda sanang oral arguments sa pagdinig ng Korte Suprema sa mga petisyong inihain ay hindi muna matutuloy.