VIGAN CITY – Walang kinalaman sa malakas na paglindol sa Central Luzon nitong nakalipas na buwan ang mga nararanasang rotational brownout sa ilang bahagi ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Director Mario Marasigan ng Department of Energy-Electric Power Industry Bureau, sinabi nitong maayos na ang nasirang planta na naapektuhan ng lindol pero may mga planta pa ring nagkakaroon ng problema sa kanilang operasyon.
Ipinaliwanag din ni Marasigan ang dalawang bagay ng pagnipis ng suplay ng kuryente lalo na sa may bahagi ng Luzon grid.
Unang sanhi ay ang kakayahan ng mga power generation facilities na magbigay ng suplay sa kanilang nasasakupan na kung saan nagkakaroon ng diperensiya ang mga planata nito at ang pangalawang bagay ay nasasabay din sa napakataas na konsumo ng kuryente bunga na rin ng panahon ngayon na kahit na nagsimula na ang tag-ulan ay mainit pa rin ang kapaligiran.
Samantala, pinag-aaralan na rin ng energy department ang paghahabol sa ligal na pamamaraan laban sa mga kompanya kung bakit hindi nila maibalik ang dati nilang kapasidad na magbigay ng kuryente na sanhi ng pagkakaroon ng rotational brownout.
Aniya, may mga planta na sa halip tumatakbo ng 300 megawatts ay 200 megawatts ang kanilang itinatakbo.
Nag-abiso ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng rotational brownout sa ilang bahagi ng Luzon.