DAVAO CITY – Marami na umanong mga kilalang kompanya na gumagawa ng bakuna laban sa Covid-19 ang nagpahayag na isa ang Pilipinas sa mga bibigyan nila ng prayoridad.
Sa isinagawang public address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Presidential guest house sa Panacan nitong lungsod, ibinahagi ni National Task Force (NTF) Against Covid-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na may tatlong mga kompanya na gumagawa ng epektibong bakuna ang nagpahayag ng kanilang interes na mapabilang ang bansa sa kanilang listahan.
Una ng sinabi ni Pangulong Duterte ang importansiya sa pagbibigay ng impormasyon patungkol sa ginagawang mitigation response ng gobyerno at pagsusumikap para labanan ang pandemiya.
Tiniyak naman ng Pangulo sa mga Pilipino na magpapatuloy ang gobyerno sa paggawa ng mga polisiya gaya ng pagsasailalim sa buong Luzon sa state of calamity matapos ang naging epekto ng bagyo.
Sinabi rin ng Pangulong Duterte na walang Pilipino na maiiwan sa ginagawang pagsisikap ng gobyerno para labanan ang Covid-19.
Muling sinabi rin ng opisyal na kung magkakaroon na ng bakuna ang bansa, uunahin muna ang mga kapulisan at militar lalo na at ito ang nangunguna kung may isasagawang pagresponde gaya na lamang ng nangyaring kalamidad sa ilang bahagi ng Luzon.
Susunod naman na bibigyan ng bakuna ang mga vulnerable sector at mga mahihirap natin na mga kababayan.