Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na maliwanag ang mga inilatag nilang kondisyon kaugnay sa posibleng pagpapatupad ng pilot implementation ng limited face-to-face classes sa ilang piling lugar sa bansa.
Ito ay sa harap ng mga punang natatanggap ng DepEd na wala raw malinaw na direksyon ang ahensya tungkol sa nasabing paksa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na sinuspinde man ng Pangulong Rodrigo Duterte ang implementasyon ng dry run ng in-person classes dahil sa bagong variant ng COVID-19 na natuklasan sa United Kingdom, hindi naman daw tumigil ang kagawaran sa paghahanda para rito.
Paglalahad ni San Antonio, ilan sa mga nakalatag na kondisyon ay gagawin lamang ang pilot testing sa mga lugar na napakababa ng risk ng transmission ng COVID-19.
Hindi rin aniya pipilitin ang mga magulang kung ayaw nilang payagan ang kanilang anak na lumahok sa dry run.
Ayon pa sa opisyal, titiyakin din ng DepEd na masusunod ang mga minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, maging physical distancing sa loob mismo ng mga silid-aralan.
Una rito, sinabi ng Malacanang na nakatakdang talakayin ng mga miyembro ng Gabinete mamayang gabi ang mga plano tungkol sa pagsasagawa ng dry run para sa limitadong face-to-face schooling sa mga lugar na mababa ang risk ng COVID-19.