Ipinaliwang ng tagapagsalita ng International Criminal Court (ICC) na nakadepende ang posibilidad ng interim release o pansamantalang paglaya at pansamantalang pag-uwi sa Pilipinas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa magiging desisyon ng gobyerno ng Pilipinas.
Sa isang panayam, ipinunto ni ICC spokesman Fadi El Abdallah na kailangan munang tanggapin ng Pilipinas ang technical measures at mga kondisyon para makapagpasya ang ICC judges kung pagbibigyan ang kahilingan ng dating Pangulo para sa interim release.
Paliwanag ng ICC official na maaaring humiling ng interim release kapag may nakalatag na measures at mga kondisyon para matiyak na hindi mangyayari ang mga ito sa oras na pinalaya ang isang inaakusahang indibidwal at muling haharap ito sa korte kapag ipinag-utos ng mga hukom.
Kayat kailangan munang matalakay ang mga kondisyon at katanungan ng ICC judges bago makapagpasya ang mga ito sa pagbibigay o hindi ng interim release.
Samantala, maliban sa gobyerno ng Pilipinas may opsiyon din ang dating Pangulo na pumili ng ibang estado kung saan ito mananatili habang pansamantalang nakalaya.
Ayon kay ICC spokesman Abdallah, maaaring pumasok ang international tribunal sa isang general agreement para sa interim release sa ibang estado subalit maaari din itong pumasok sa isang ad hoc agreement sa isang partikular na estado para sa partikular na kaso.
Dito, pagpapasyahan ng judges ang mga technical measures at conditions base sa kaso at kailangang tanggapin ng isang estado para ipag-utos ng judges ang interim release.
Sakaling payagan ng ICC ang partikular na mga kondisyon at measures na inilatag, kailangan itong tanggapin ng isang bansa kung saan mananatili ang inaakusahang indibidwal para matiyak na hindi ito magiging banta sa imbestigasyon, sa mga testigo, at muling haharap sa korte kapag ipinag-utos ng hukom.
Sa ngayon wala pang kumpirmasyon ang kampo ng dating Pangulo kung nakapag-apply na sila para sa interim release ni Duterte, subalit nauna ng ipinahiwatig ni lead counsel Nicholas Kaufman sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo na maghahain sila para sa pansamantalang paglaya ng dating Pangulo sa tamang panahon.