-- Advertisements --

Bukas ang ilang mga kongresista sa pagsusulong ng reporma sa political system ng bansa imbes na isulong ang anti-political dynasty law.

Reaksiyon ito ng mga mambabatas matapos dumulog sa Korte Suprema ang ilang grupo ng mga abugado na nananawagan sa Kamara at Senado na pagtibayin ang isang batas laban sa political dynasties.

Ayon kay AKO Bicol Partylist Rep. Raul Angelo Bongalon hindi maaaring pilitin ang Kongreso na magpasa ng batas hinggil sa political dynasty.

Sabi ni Bongalon mayruong umiiral na anti-political dynasty provision sa ilalim ng SK reform bill na maaring tignan.

Tungkulin din ng mga miyembro ng legislative body na magpasa at kumilos kaugnay sa panukalang batas na nagbabawal sa dinastiya sa serbisyo publiko.

Inihayag naman ni Deputy Speaker at Quezon Rep. JayJay Suarez sa ngayon nag-iba na ang pamamaraan, pag-iisip at decision making process ng mga botante sa pagpili ng mga taong nagnanais maglingkod sa bansa.

Dagdag pa ni Suarez ang political dynasties sa bansa ay labas masok, ang mahalaga aniya ay manatiling pokus sa pagpapalawak sa efficiency ng mga programa at proyekto na ipinatutupad.

Sa panig naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong mas mabuting i-revisit ang political party system ng bansa.