Mariing pinasinungalingan ng mga kongresista ang paratang ni Vice President Sara Duterte na “scripted” ang pagtalakay sa budget ng Office of the Vice President sa Kamara.
Sa isang video interview ni Duterte na minabuti niyang hindi na dumalo sa budget briefing sa House Committee on Appropriations dahil planado na ang gagawing banat sa kanya at dalawang tao lang ang nasusunod sa pambansang pondo.
Nilinaw ni House Deputy Majority Leader Jude Acidre na magkakaiba ng pananaw ang mga kongresistang miyembro ng komite kaya malabong mayroong script writer sa pagdinig.
Pinuna rin ni Acidre ang panayam sa pangalawang pangulo na na kung susuriin ay scripted dahil nag-iisa ang interviewer, iisa ang set-up, hinati sa tatlong bahagi at itinaon pa sa budget briefing ang pagpapalabas.
Bukod dito, binigyang-diin ng mambabatas na malabo ang sinasabing pag-defund o gawing piso ang budget ng OVP dahil susundin ng Kamara ang Konstitusyon at titiyaking maipatutupad ang mandato ng tanggapan ni Duterte.
Gagawin umanong responsive sa mandato ng OVP ang ibibigay na budget kaya sisiguraduhing may resources pa rin ito.
Dagdag pa ni La Union Representative Paolo Ortega, si Duterte ang halatang may script dahil iisa at paulit-ulit lang ang sagot nito sa unang budget hearing ng Appropriations panel.