Nagsagawa ng fund raising ang ilang kongresista para makapag-abot ng tulong sa mga biktima ng serye ng lindol sa Mindanao kamakailan.
Isang “Ride for a Cause” ang isinagawa ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco noong Sabado para makalikom ng mga donasyon para sa mga apektado ng mga malalakas na pagyanig sa Mindanao noong mga nakaraang linggo.
Dinaluhan ng 80 riders kabilang na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte at Sen. Ronald Dela Rosa ang aktibidad na ito na itinaon bilang selebrasyon na rin ng kaarawan ni Velasco.
Mula sa lungsod ng San Pedro, Laguna ay dumaan din ang mga ito sa Quezon National Park, bago sumakay ng barko patungong Balanacan Port sa Marinduque.
Una rito, nag-ambagan na rin ang ilan pang mga kongresista kabilang na ang mga nasa minorya upang makatulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.