Inalala ng ilang labor groups sa bansa ang mga kontribusyon ni dating Senate President Nene Pimentel Jr. sa sektor.
Ito ay kasunod ng anunsyo ng pamilya Pimentel hinggil sa pagpanaw ng dating senador.
Sa isang statement, sinabi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na malaki ang utang na loob ng mga manggagawa kay Pimentel.
Noong panahon kasi aniya ng diktadura sa ilalim ng Marcos regime, sinabi ng TUCP na tumayo si Pimentel bilang conscience at democracy defender.
“His lifelong struggle for political democracy and economic democracy inspires the TUCP and the entire working class to never give up and to never surrender. He will be missed,” saad ng grupo.
Isa sa mga kapuri-puri anilang batas na isinulong ni Pimentel ang Local Government Code para matiyak ang genuine autonomy ng mga lokal na pamahalaan.
Bukod dito, ipinagpapasalamat din ng TUCP ang Cooperative Code of the Philippines at ang Charter ng Cooperative Development Authority na iniakda ni Pimentel.
Samantala, kinilala rin ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang naging papel ng namayapang senador sa paglaban kontra diktadurya at pagboto kontra sa pananatili ng mga US bases sa bansa.
“In his long life as public servant, he stood for human rights, good governance and national sovereignty,” saad ng grupong BAYAN sa isang statement.