KALIBO, Aklan — Umaabot na sa mahigit isang milyong turista na pawang local at foreign ang nagbakasyon sa Isla ng Boracay sa nakalipas na anim na buwan ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Felix delos Santos, head ng Malay Municipal Tourism Office, nakapagtala sila ng kabuuang 1,141,810 na tourist arrivals mula Enero hanggang Hunyo 2023.
Dagdag pa nito na ang South Korea ang nananatiling top market sa foreign arrivals sa Boracay na mayroong 87,750; sumunod ang USA na may 21,273; China na may 12,163; Taiwan sa 10,822, gayundin ang Austria, United Kingdom, Russia, Germany, Canada at Japan.
Bago pa nagkaroon ng COVID-19 pandemic ang South Korea na ang largest market ng Boracay para sa foreign arrivals.
Nabatid na maliban sa South Korea at Taiwan, nagkaroon na rin ng mga direct flights mula sa China sa Kalibo International Airport.
Sa kabilang daku, sinabi ni delos Santos na kahit 1.8 million ang target na tourist arrivals ngayong 2023, malaki ang kanilang paniniwala na aabot ito sa 2 million dahil sa pagluwag ng mga travel restrictions sa ilang mga bansa sa Asya.