-- Advertisements --

VIGAN CITY – Maaari umanong padalhan ng mga korte sa bansa ng subpoena o summon ang mga pasaway na sidewalk vendors at mga iligal na nagpaparking sa mga bangketa kaugnay ng road clearing operations ng Department of Interior and Local Government.

Ito ay kung sila umano ang dahilan kung bakit hindi nakumpleto ng local government unit ang kanilang obligasyon hinggil sa nasabing clearing operations na magtatapos na bukas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, sinabi nito na maaari umanong magpakuha ng larawan ang isang barangay chairman sa harap ng pasaway na sidewalk vendor o ng kotse nasa illegal parking sa kanilang lugar at kunin nito ang detalye ng mga ito kagaya na lamang ng pangalan at address at saka pumunta sa fiscal’s office sa kanilang lugar at magdemanda laban sa mga ito.

Ayon kay Diño, ito umano ang maaaring gawin ng mga barangay chairman na mapapadalhan ng show cause order dahil sa hindi nila nakumpleto ang road clearing operations sa kanilang lugar.

Samantala, nilinaw pa ng opisyal na kung napadalhan na ng show cause order ang isang barangay chairman, maaari pa naman umano nitong ituloy ang paglilinis sa mga bangketa na kaniyang nasasakupan hanggang sa makita ng DILG na nag-eeffort ito na gampanan ang kaniyang tungkulin at hindi na irekomenda sa Office of the Ombudsman ang pagkakasuspinde o pagkakatanggal nito sa puwesto.