Nagsimula ng bumuhos ang mga mananampalatayang Katoliko na nais masilayan at magbigay respeto sa huling sandali sa yumaong dating Pope Benedict XVI para sa public viewing nito sa Vatican.
Habang palalim na ang gabi, nagsimula ng pumila ang publiko sa may St. Peter’s Square.
Nasa pinaka-unahang pila si Father Alfredo Elnar mula sa Pilipinas na inaral at hinangaan nito ang theological writings ng dating pontiff.
Inihayag naman ni Sister Marianna Patricevic, isang madre mula sa Croatia kung gaano ito nagpapasalamat sa lahat ng nagawa ng dating Santo Papa.
Bukas sa publiko ang lamay ni Pope Benedict XVi sa loob ng tatlong araw na nakahimlay sa isang open casket sa St Peter’s Basilica kung saan papayagan ang publiko na masulyapan ang Santo Papa hanggang sa alas-7 kada gabi.
Isasagawa ang funeral sa St. Peter’s Square bago ilagak ang labi ng yumaong Pope Emritus sa libingan nito sa ilalim ng Basilica.
Papangunahan ni Pope Francis ang funeral sa araw ng huwebes na unang pagkakataon na ililibing ang dating Santo Papa ng kaniyang successor.
Una rito, naglabas ang Vatican ng larawan ng labi ng yumaong santo papa kung saan dinamitan ng pulang papal mourning robes at nakasuot ng gold-trimmed mitre.
Inaasahan din ang pagbuhos ng tributes mula sa iba’t ibang mga bansa at inaasahang bubuhos din ang mga tao na nais na masilayan at magbigay respeto sa yumaong dating Santo Papa.