Hindi pa narerekober hanggang sa ngayon ang mga labi ng dalawang tripulanteng nasawi sa naging pag-atake ng Houthi rebel sa isang carrier vessel na MV True Conficence sa bahagi Gulf of Aden.
Ayon kay Department of Migrant Workers Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, hanggang sa ngayon ay naroroon pa sa inatakeng barko ang mga katawan ng dalawang Pinoy seafarers na biktima ng pag-atae ng Houthi rebels.
Paliwanag ng opisyal, sa fuel section ng barko kasi tumama ang pinakawalang anti-ship ballistic missile ng Houthi na nagsanhi naman ng malaking sunog sa lugar kung nasaan din ang lokasyon ng dalawang tripulante.
Paliwanag pa ni Usec. Cacdac, agad kasing nagkaroon ng emergency evacuation sa barko nang dahil sa malaking sunog na sumiklab doon, isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi na nagawa pang mabalikan ang mga ito.
Ngunit gayunpaman ay nilinaw ng opisyal na anumang oras o araw mula ngayon ay inasaahan na magkakaroon ng salvaging operations sa barko para sa paghahanap ng mga labi ng dalawang nasawing biktima.
Magugunita na una nang iniulat ng DMW na mayroong 10 Pinoy seafarers ang nakaligtas mula sa naturang insidente, habang tatlong Pilipinong crew members din ng nasabing barko ang sugatan at kasalukuyan nang nagpapagaling ngayon sa pagamutan.