Naibaba na ang labi ng apat na tao sa loob ng Cessna plane na bumagsak malapit sa bunganga ng Mayon Volcano noong isang linggo.
Ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Baldo na inaasahang dadalhin ng retrieval team ang mga bangkay sa command center ng hatinggabi at pagkatapos ay dadalhin at ibibigay sa Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Nahirapan umano ang retrieval team na makuha ang mga bangkay ng mga biktima.
Matatandaan noong Pebrero 18, sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nawalan ng kontak ang mga air traffic controller ng Bicol International Airport sa Cessna 340 plane na lulan ng apat na tao: ang piloto, isang crew member, at dalawang pasahero.
Dagdag pa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na umalis ang eroplano sa Bicol International Airport dakong 6:43 a.m.
Huling nakipag-ugnayan ang air traffic controllers sa sasakyang panghimpapawid noong 6:46 a.m., nang ang eroplano ay papalapit sa Camalig Bypass Road sa taas na 2,600 talampakan.
Inaasahang darating sana ang eroplano sa Maynila alas-7:53 ng umaga.
Samantala, may karagdagang apat na K-9 dogs at mahigit 100 ground searchers ang ipinakalat upang mapabilis ang paghahanap at pagsagip sa nawawalang Cessna aircraft sa Isabela.
Noong Enero 24, lumipad ang isang Cessna 206 mula sa Cauayan Airport sa Isabela, patungo sa bayan ng Maconacon. Sakay ng light aircraft ang piloto nito at limang pasahero.
Noong Huwebes, sinabi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na nagpatuloy ang paghahanap dahil sa magandang panahon.