-- Advertisements --
image 313

CAUAYAN CITY – Bibigyan ng pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ng pagkilala ang mga rescuers na naghanap sa bumagsak na Cessna 206 plane sa Ditarum, Divilacan, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Constante Foronda, Commander ng Incident Management Team na binuo matapos bumagsak ang cessna 206 plane na inatasan siya ni Gov. Rodito Albano ng Isabela na alamin ang mga mga pangalan ng mga Rescuers upang mabigyan ng individual certificate of appreciations.

Aniya, umabot sa halos 400 ang mga rescuers na karamihan ay mga local volunteers, mga Dumagat at Agta, kabilang ang mga kasapi ng Philippine Army, PNP Special Action Force, BFP, Philippine Coastguard at K9 Unit.

Sa kabila anya na ilan sa mga rescuers ang nagkasakit dahil sa masamang lagay ng panahon sa Sierra Madre Mountains ay hindi sila sumuko hanggang sa mahanap nila ang mga pasahero at wreckage ng bumagsak na Cessna 206 plane.

Samantala, dinala kahapon sa isang punerarya sa Cauayan City ang mga labi ng mga pasahero bago iniuwi sa kani-kanilang mga lugar.

Ang mga labi nina Tommy Manday, Val Kamatoy, Mark Eiron Seguerra ay iuuwi sa Silang, Cavite upang doon ay mapaglamayan ng ilang araw.

Si Josefa Perla Espania naman ay naiuwi na kagabi ang mga labi sa Claveria, Cagayan at doon paglalamayan din ng ilang araw.

Ang labi ng Piloto na si Capt. Eleazar Mark Joven ay ipina-cremate bago iuwi sa Munoz, Nueva Ecija.