Nakatakdang isailalim sa autopsy ang mga labi ng nasa 176 persons deprived of liberty o inmates sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City para matukoy ang dahilan ng kanilang kamatayan ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin C. Remulla.
Kaugnay nito, hiniling na ng DOJ sa Eastern Funeral Homes sa Muntinlupa city kung saan nakalagak ang mga labi ng mga inmates na huwah i-dispose ang ibang cadavers na hindi madadala agad sa Philippine General hospital na mayroon lamang 120 cadaver capacity.
Kayat nakatakdang lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Justice department at PGH bukas para sa pag-turn-over ng mga cadavers sa nasabing ospital para sa autopsiya at pathological examinations.
Tutukuyin aniya ang dahilan ng pagkasawi ng inmates base sa kanilang prison records, death certificates at autopsy na isasagawa ni Dr. Raquel Del Rosario-Fortun.
Maliban sa PGH, magsasagawa din ang National Bureau of Investigation (NBI) ng autopsies sa 120 cadavers ng mga PDL.
Bibigyan din ng access ang Philippine National Police (PNP) sa gagawing autopsy sa mga bangkay.
Puspusan na rin ang paghahanap ng DOJ at attached agencies nito sa mga pamilya ng lahat ng nasawing inmates sa Bilibid upang mabigyan ng desenteng libing ang mga ito.