-- Advertisements --

ILOILO CITY – Patuloy na inimbestigahan ng mga otoridad ang pagbagsak ng Airbus A320 passenger airliner sa Karachi, Pakistan.

Base sa pahayag na ipinalabas ng Health Department ng Sindh, Pakistan, sa ngayon umabot na sa 97 ang kumpirmadong nasawi at dalawa naman ang nakaligtas mula sa pagbagsak.

Una na ring inihayag ni Pakistan International Airlines CEO Air Vice Marshal Arshad Malik na 99 katao ang lulan ng nasabing eroplano kung saan ay 91 ang pasahero at walo naman ang mga crew.

Ayon kay Bombo International Correspondent Father Reynel Tanalgo, isang Mill Hill missionary sa Pakistan, wala pang pagkakakilanlan ang karamihan sa mga bangkay na natagpuan sa Model Colony sa Korangi District na isang residential area malapit sa airport sa Karachi.

Sa ngayon, ayon kay Health ministry Spokeswoman Meeran Yousuf, isinailalim na sa DNA test ang mga bangkay upang makilala na ng kani-kanilang mga pamilya.