ILOILO CITY – Itinakda na ang public viewing ng namayapag si dating Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Archbishop-Emeritus Angel Lagdameo.
Ito ay kasunod ng pag-cremate ng kanyang mga labi matapos pumanaw noong Byernes dahil sa komplikasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Msgr. Meliton Oso, director ng Jaro Archdiocesan Social Action Center (JASAC), sinabi nito na sa ngayon, nasa Saint Vincent Ferrer Seminary ang mga abo ni Lagdameo para sa private viewing ng mga kasamahan nitong pari.
Bukas Hulyo 12, las 11:00 ng umaga, dadalhin ang urn ni Lagdameo sa Jaro Metropolitan Cathedral at susundan ng misa las 12:15 ng hapon.
Matapos nito, gaganapin na ang public viewing na magtatagal hanggang Hulyo 19.
Sa nasabi ring araw, may gaganaping Funeral Mass las 9:00 ng umaga.
Nanawagan rin ang simbahan na ipagdasal ang namayapang arsobispo.