Maaaring mapawalang bisa ang mga nakalap na lagda sa umano’y isinusulong na people’s initiative para sa charter change kung mapapatunayang may naganap na vote buying o panunuhol ng pera ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Nauna nang isiniwalat ng ilang mambabatas na makakakuha umano ng P100 bawat isa sa mga lumagdang rehistradong botante para sa diumano’y signature campaign para amyendahan ang isang probisyon sa konstitusyon na nag-uutos sa Kamara at Senado na bumoto nang hiwalay kapag binabago ang Konstitusyon.
Paliwanag ni Comelec chair George Garcia na bagamat hindi masasabing vote-buying ang pamamahagi ng pera sa people’s initiative campaign dahil hindi boto ang mga pirma, inamin naman ng poll body na maaaring makaapekto ito sa petisyon sakaling mapatunayan.
Inihayag pa ni ng poll body official na maaati ding maharap sa anti-graft at malversation charges ang mga taong nasa likod ng signature campaign kung gumamit ang mga ito ng pera mula sa kaban ng bayan.
Sa ngayon, aantayin ng komisyon kung may magreklamo para sa kanilang magiging desisyon o aksiyon sa naturang petisyon.
Una rito, muling sinusulong ng mga proponent ang charter change dahil kailangan na umanong luwagan ang mga economic provision na nakapaloob sa Konstitusyon upang makaakit ng mas maraming dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Para sa kabatiran din ng publiko, ang taumbayan ay maaaring magmungkahi ng mga pagbabago sa konstitusyon sa bisa ng people’s initiative sa pamamagitan ng paghahain ng petisyon na nilagdaan ng hindi bababa sa 12% ng mahigit 67 million rehistradong botante sa bansa.