-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Magmumulta ng 25,000 Hong Kong Dollars o katumbas ng P163,000 at tatlong buwang pagkabilanggo ang sinumang lalabag sa community quarantine na umiiral sa Hong Kong kasabay ng banta ng COVID 19.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Riza Licudine na isang OFW sa Hong Kong, sinabi niyang nananatili ang mahigpit na implementasyon ng community quarantine doon.

Sinabi niyang maraming ipinagbabawal kabilang ang paglabas ng mga tao sa kanilang mga tahanan ngunit ipinapahintulot naman ang pagtungo sa palengke.

Inihayag niya na may ilang OFWs na inaresto doon dahil sa kanilang paglabag sa community quarantine.

Aniya, mayroong 15 na persons under monitoring na OFWs sa Hong Kong habang pitong OFWs ang nagpositibo sa COVID-19 pagkatapos nilang mahawa sa kani-kanilang mga amo.

Dahil dito, uma-apela si Licudine sa pamahalaan ng Pilipinas para maipadama ang kanilang suporta at pagmamalasakit sa mga OFWs na apektado sa COVID 19.