Dini-discouraged ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga lalahok sa kilos protesta sa darating ng SONA ng Pang. Rodrigo Duterte na huwag nang magsuot ng jacket.
Ayon kay NCRPO Chief Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar mas maganda kung walang jacket dahil nakikita kung mayroong itinatago ang isang indibidwal.
Ang nasabing hakbang ay may kaugnayan sa nangyaring pagsabog sa Indanan,Sulu na sinalakay ng dalawang suicide bombers ang kampo ng militar.
Layon din nito para maiwasan mahaluan ang mga militanteng grupo ng mga terorista na magpapanggap na rallyista at maghasik ng karahasan.
Umapela si Eleazar sa mga Rallyista na bantayan ang kanilang hanay upang hindi malusutan ng mga pasaway dahil sila rin naman ang tiyak na tatamaan sa dakong huli.
Nilinaw ni Eleazar na wala silang namomonitor na banta sa seguridad sa nalalapit na SONA.
Pero siniguro nito na nakalatag na rin ang kanilang mga counter measures.
Sa kabilang dako, inaasahan ng NCRPO na magiging mapayapa ang mga rally sa SONA sa Lunes.
Ito’y matapos pinagbigyan ng pulisya ang pwestong gusto ng mga militante.
Batay sa naging dayalogo, ang mga anti-Duterte ay magmamartsa sa Commonweatlh Ave sa Quezon City at magpuprograma malapit sa St. Peter’s Church, habang ang mga pro-Duterte ay sa IBP Road.
Paplantsahin ng NCRPO at mga lider-militante ang pagsasagawa ng rally sa isa pang dayalogo sa Miyerkules.
” Irerequest natin sa kanila na huwag nang magdala ng mga bags at jackets na sinasabi ninyo,
We will bring this up sa susunod na stakeholder’s dialogue this coming Wednesday,” pahayag ni Eleazar.