BAGUIO CITY – Kinumpirma ni Mayor Benjamin Magalong na magsisilbi ang Baguio City bilang host ng Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet 2020.
Ayon sa alkalde, maglalaan ang lokal na pamahalaan ng lunsod ng P15 million na pondo para sa aktibidad.
Ipinaliwanag ni Magalong na ang Baguio City ang muling pagdarausan ng aktibidad dahil walang ni isa mang lalawigan sa Cordillera Administrative Region ang interesadong mag-host sa CARAA Meet.
Sinabi pa ng opisyal na nag-uumpisa na ang paghahanda ng Baguio City para sa pagbubukas ng CARAA Meet 2020 sa huling linggo ng Pebrero kasabay ng mga highlights ng Panagbenga Festival 2020.
Maaalalang tatlong magkakasunod na taon na ang Baguio City ang nag-host sa CARAA Meet partikular noong 2015, 2016 at 2017 habang ginanap ang palaro sa Abra noong 2018 at sa lalawigan ng Apayo sa kasalukuyang taon.