VIGAN CITY – Nawawala umano ang mga internal organs o laman-loob ng ika- 150 at pinakahuling pinaniniwalaang biktima ng kontrobersyal na dengue vaccine na dengvaxia.
Ito ang kinumpirma ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda Acosta sa mensaheng ipinadala nito sa Bombo Radyo Vigan base na rin umano sa ulat sa kaniya ni Dr. Erwin Erfe na siyang hepe ng PAO- Forensic Laboratory.
Dahil umano rito, itinigil muna ng grupo nina Erfe ang forensic examination sa labi ng biktima na isang 12-anyos na dalagita.
Una nang sinabi ng PAO na marami pa silang susuriing biktima ng dengvaxia kaya ang nasabing bilang na 150 ay posibleng madagdagan pa dahil marami pa umano silang natatanggap na tawag mula sa pamilya ng mga batang naturukan ng nasabing bakuna.