CAUAYAN CITY – Na-recover ng mga sundalo ang mga itinatanim ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) na landmines sa Aguid, Sagada, Mountain Province na nauwi sa bakbakan na ikinamatay ng isang sundalo at ikinasugat ng isa pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Major Noriel Tayaban, tagapagsalita ng 5th Infantry Division Phil. Army na bago ang naganap na engkuwentro ay isinumbong ng mga mamamayan ang pagtatanim ng mga NPA ng mga landmines sa mga dinadaanan ng mga sibilyan.
Dahil dito tumugon ang mga kasapi ng 50th IB ng 5th ID sa nasabing sumbong at habang nagsasagawa ng clearing operation kung saan pinaputukan ng halos 40 NPA na kasapi nang tinaguriang Kilusang Larangang Guerilya Marco na kumikilos sa mga lalawigan ng Kalinga at Mt. Province ang tropa ng pamahalaan.
Nagresulta ang labanan sa pagkasawi ni Corporal Jordan Malnawa at pagkasugat ni Private Melvin Modes.
Sinabi ni Major Tayaban na na-recover sa pinangyarihan ng labanan ang maraming landmines na itinatanim ng mga NPA sa nasabing lugar na patunay sa paglabag sa international humanitarian law dahil daanan ng mga sibilyan ang pinagtamnan.