Hinimok ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco ang mga local government units (LGUs) sa buong bansa na bumuo ng parke sa kanilang nasasakupan upang isulong ang kultura ng turismo mula sa henerasyon hanggang sa henerasyon.
Pinagtibay ni Frasco ang suporta ng DOT sa pagpapaunlad ng mga parke sa kanyang keynote address sa pagbubukas ng 1st Philippine Parks Congress sa Rizal Park Open Air Auditorium noong Huwebes, Nob. 24.
Ayon kay Frasco, mahalaga ang mga parke dahil ito ay nagbibigay-daan sa mga pamilya na makipag-ugnayan sa kalikasan, na gumugol ng kalidad ng oras sa isa’t isa, at upang ipaalala na sa kabila ng kung gaano kaabala ang buhay, dapat tayong palaging maglaan ng oras na magpahinga at makikipag-ugnayan sa kalikasan.
Ipinaabot ng Department of Tourism ang buong suporta nito sa pagsisikap ng mga national parks gayundin ng ating mga kaakibat na ahensya na patuloy na paunlarin ang culture of tourism,, na kinabibilangan ng patuloy na pagpapaunlad ng ating mga parke hindi lamang dito sa National Capital Region (NCR) kundi pati na rin sa buong Pilipinas.
Kinumpirma ni Frasco na ang DOT at ang mga kinauukulang ahensya nito ay nakipag-ugnayan na sa mga LGU para magbigay ng tulong at gabay para sa pagtatayo ng mga parke sa kanilang nasasakupan.
Samantala, malugod namang tinanggap ni National Parks Development Committee (NPDC) Executive Director Cecille Lorenzana Romero ang pagsusulong ng DOT sa pagpapaunlad ng parke sa buong bansa.