Nakiisa na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng Bagyong Odette sa ilang bahagi ng ating bansa.
Ito’y matapos na humingi na rin ng tulong ang mga LGU (local governmen unit) na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng nasabing bagyo.
Sinabi ni MMDA General Manager Atty. Romando Artes, nasa mahigit 100 trained rescue personnel na ang ipinadala ng kagawaran sa mga apektadong lugar upang tumulong sa pagresponde sa mga sinalanta ng bagyo at patuloy sa pagbuo ng karagdagang team upang maipadala sa iba pang apektadong lugar.
Kahapon aniya, ay nagpadala pa ng dagdag na 64 katao ang ahensya para naman sa lalawigan ng Bohol matapos na tumawag si Bohol Governor Arthur Yap para magpasaklolo.
Bukod dito, naglaan na rin ng nasa P100 million na pondong tulong pinansyal ang MMDA para sa mga probinsyang sinalanta ng bagyo na nagmula mismo sa kanilang savings na agad namang inaprubahan ng mga alkade sa Metro Manila.
Kasalukuyan na rin aniya na nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno ang kagawaran upang malaman kung paano ang magiging distribusyon nito sa mga apektadong LGU.
Ayon pa sa MMDA general manager, ibibigay na lamang sa mga LGU ang mga tseke na bahagi ng P100 million na ayuda dahil mas alam ng mga ito kung ano ang mas kinakailangan para sa kanilang mga nasasakupan.
Sa ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng MMDA sa mga LGU ng mga nasalantang lugar upang malaman kung ano pa ang maaaring maibigay na tulong para sa mga lugar at kababayan natin na pininsala ng bagyong Odette.