-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Epektibo ngayong araw ng Biyernes, January 21 ay nasa ilalim na ng Alert Level 4 ang mga lalawigan ng Kalinga, Ifugao at Mountain Province dito sa rehion Cordillera na magtatapos sa January 31.

Dahil pa rin ito sa pagtaas ng kanilang mga kaso ng COVID-19.

Itinataas ang alert levels dahil sa pagtaas din ng healthcare utilization rate sa isang lugar at ibinabatay ito sa metrics ng National IATF.

Sa guidelines ng DOH, isinasailalim sa Alert Level 4 ang isang lugar kung ang COVID-19 transmission dito ay nasa moderate hanggang high-risk classification at ang kanyang healthcare capacity ay mas mataas sa 70%.

Batay sa record ng Department of Health-CAR kahapon, January 20, nasa moderate risk na ang Cordillera sa Hospital Care Utilization Rate (HCUR) kung saan ang average utilization rate ay 68.59%.

Sa mga lalawigan na isinailalim sa Alert Level 4, nasa critical risk na ang HCUR ng Kalinga matapos maitala ang 92% na bed utilization rate mula sa limang ospital doon.

Nasa high risk naman ang HCUR ng Mountain Province matapos maitala ang 81.41% bed utlization rate mula sa limang ospital doon.

Gayunman, nasa low risk pa rin ang HCUR ng Ifugao na nakapagtala ng 60.87% bed occupancy rate mula sa dalawang ospital doon.

Sa ilalim ng Alert Level 4, pinagbabawalang lumabas ng kanilang tahanan ang mga 18-years old pababa at higit 65-years old pataas, kasama na ang mga may underlying illnesses at mga buntis.

Ipinagbabawal din ang pagbubukas ng mga sinihan, funfairs, live voice at wind instrument events at lahat ng mga contact sports, mapa-indoor o outdoor ang mga ito.

Hindi rin pinapayagan ang face-to-face o in-person classes maliban sa mga inaprobahan ng IATF o ng Office of the President.

Pinapayagan naman ang operasyon ng mga establishments gaya ng mga kainan, barber shops, spas at beauty salons bagaman sa 10% indoor venue capacity para lamang sa mga fully vaccinated individuals at 30% outdoor venue capacity.

Samantala, mula Alert Level 2 ay epektibo na rin ang Alert Level 3 sa lalawigan ng Apayao dito din sa rehion Cordillera.

Nakapagtala ang Apayao ng 79.07% na bed utlization rate.

Dahil dito, kapareho na ng Apayao ng alert level ang mga lalawigan ng Benguet at Abra, kasama ang Baguio City na nasa Alert Level 3 sa Cordillera Region.