-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng pangamba ang ilang mga local government units (LGUs) sa posibilidad na muling tumaas ang bilang ng mga naiuulat na kaso ng coronavirus disease sa bansa matapos na luwagan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang mga ipinatutupad sa travel restrictions.

Sa resolution number 101 ng IATF hindi na oobligahin pa ang mga bumabiyahe na magsailalim sa swab test at quarantine sa mga lugar na kanilang pupuntahan maliban na lamang kung may sintomas ng COVID 19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Randy Asuncion head ng Albay Provincial Quarantine Facility, hindi nito inaalis ang posibilidad na magpalala pa sa coronavirus disease pandemic sa bansa ang bagong kautusan lalo pang iilang Pilipino pa lamang ang inaasahang mabibigyan ng COVID vaccines.

Mahirap umano ito dahil marami sa COVID cases ay asymptomatic o walang ipinapakitang sintomas ng sakit subalit posibleng maging carrier at makahawa na ng virus.

Umaasa na lang ang opisyal na magiging sapat na ang ipinatutupad na minimum health protocols kagaya ng paglilimita sa mga pasahero, pagsusuot ng face mask at social distancing upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng virus.