-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naka-full alert na ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Albay bilang paghahanda sa pinangangambahang pagkalat ng Delta variant.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Caloy Baldo, kinakailangang maging alisto na ang mga LGU lalo pa’t hindi biro ang bagsik ng bagong variant ng COVID-19.

Naghahanda na ang nasabing bayan ng mga gagamiting isolation facilities lalo na at halos araw-araw ay may mga dumadating na biyahero mula sa Calabarzon at National Capital Region (NCR) mula ng i-anunsiyo ang muling pagpapatupad ng ECQ dito.

Tripleng pag-iingat na ang ginagawa ng bayan kabilang na ang striktong pagsusuri sa mga dokumento ng mga nagsisi-uwiang biyahero upang matiyak na hindi peke ang mga ipinapakitang COVID-19 test result na nagpapatunay na sila ay negatibo sa nakakahawang sakit.

Una rito, kailangang dumiresto muna sa Camalig Training Center ang mga bagong dating para sa profiling at kung sakling makitaan ng sintomas ay kinakailangang mag-quarantine o kaya’y sasailalim sa swab test.

Binigyang duon ni Baldo na kailangan ngayon ang matinding pag-iingat lalo pa’t bumababa na ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Albay at matiyak na hindi mapasukan ng Delta variant ang lalawigan.