Inaresto na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga lider at miyembro ng Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) matapos ang isinagawang pagdinig ng Senate Public Order and Dangerous Drugs na pinamunuan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sila ay dinala sa building 14 ng NBI facility sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City sa bisa ng arrest warrant.
Ang warrant of arrest ay inilabas ni Judge Ambrosio Narada Moleta ng RTC branch 31 ng Dapa, Surigao Del Norte laban kina Jay Rence Quilario o mas kilala bilang Senior Agila, Mamerto Galanida , Karren Sanico, Janeth Tamayo Ajoc, Wenefredo Buntad, Geovanni Leogin Lazala, Ibrahim Adlao, Jovelito Achecoso, Sergio Cubillan, Daryl Buntad, Jonry Ilandag, Yure Gary Portilio, at Florencio Quiban.
Ang 13 miyembro ng SBSI ay inaresto sa kasong qualified trafficking in person matapos ang koordinasyon sa office of the senate sergeant at arms at sa komite nina Senador Risa Hontiveros at Senador Ronald Dela Rosa na siyang nagsagawa ng imbestigasyon.
Samantala, ayon kay Atty. Arturo Makalintal De Castro, abogado ng SBSI politically motivated at orchestrated ang isinagawang pagdinig.
Gayunpaman, initial target ng Department of Justice na matapos ang Preliminary Investigation (PI) sa kalagitnaan ng Nobyembre.