Nagsama-sama ang lider ng iba’t ibang partidong pampulitika sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas upang suportahan ang Philippine National Police (PNP) asa ginagawa nitong paghahanap sa wanted na si Pastor Apollo Quiboloy at kanyang mga kapwa akusado.
Ang alyansa, na binubuo ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at National Unity Party (NUP) ay lumagda sa isang joint statement upang ipahayag ang kanilang suporta sa PNP na magawa nito ang kaniolang legal na tungkulin.
Ang pahayag ay nilagdaan nina Special Assistant to the President, Secretary Antonio Ernesto Lagdameo Jr., Executive vice president ng PFP; Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD; dating Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno, chairman ng NUP; dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, pangulo ng NPC; at Misamis Oriental 2nd District Rep. Yevgeny Vincente B. Emano, national director ng NP.
Iginiit ng mga lider ang kahalagahan ng pambansang pagkakaisa, at pagpapanatili ng kaayusan, at pagrespeto sa karapatan ng bawat indibidwal.
Inilabas ng Alyansa ang pahayag sa gitna ng umiinit na tensyon sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City na pinasok ng mga pulis upang maisilbi ang warrant of arrest kay Quiboloy.
Si Quiboloy at kanyang mga kapwa akusado ay nahaharap sa kasong sexual abuse, child abuse, at qualified human trafficking.
Ang pahayag ng mga lider ng iba’t ibang partidong pampulitika ay isa umanong panawagan para sa lahat na suportahan ang PNP at magtiwala sa legal na proseso upang maiharap si Quiboloy sa hustisya at pag-giit sa pangako ng koalisyon ng administrasyon na pangibabawin ang batas at mapanatili ang pambansang seguridad.
Kamakailan ay nagpulong ang mga lider ng iba’t ibang partidong pampulitika upang bumuo ng isang estratehiya para sa paparating na midterm elections.