-- Advertisements --

Pinuna ng mga lider ng Kamara de Representantes si Vice President Sara Duterte sa pahayag na sasagutin nito sa impeachment proceedings ang mga alegasyon laban sa kanya.

Kung wala umanong kasalanan si Duterte hindi ito dapat na mamili ng venue para sagutin ang mga alegasyon sa kanya kasama na ang iregularidad umano sa paggamit nito ng confidential funds.

Ipinunto nina House Assistant Majority Leaders Jay Khonghun (Zambales, 1st District) at Jude Acidre (Tingog Party-list) na dapat ding humarap si Duterte sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagbabanta nito sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni Acidre na ipino-potray ni Duterte na siya ay untouchable at nakatataas sa mekanismo ng pananagutan.

Kinuwestyon naman ni Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V ang sinseridad ni Duterte sa sinabi nito na haharap sa impeachment.

Kinuwetsyon ng mga kongresista ang paggamit ng confidential fund ni Duterte gaya ng sobrang mahal na binayaran sa mga safe house at tumanggap ng confidential funds na walang rekord sa  Philippine Statistics Authority (PSA).

Kasama ito sa mga reklamo na laman ng dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Duterte sa Kamara de Representantes.

Nagkakahalaga ng P612.5 milyon ang confidential fund na ginastos ni Duterte sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education mula Disyembre 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.