-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na bagama’t tumaas ang pagbubuga ng sulfure dioxide ng Bulkang Taal, bumaba naman daw ang naitatala nilang mga lindol.

Sa pinakahuling bulletin na inilabas ng PHIVOLCS, nakapagtala ng 366 volcanic earthquakes, tatlong tremor events, at walong low-frequency earthquakes mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

“Meron po tayong nakikitang pababa na trend ng pag-lindol sa bulkan… Ito po ay alinsabay sa pag-weaken o pag-hina ng eruptive activity sa bunganga ng bulkan,” wika ni PHIVOLCS Monitoring and Eruption Prediction Division chief Mariton Bornas.

“Meron po talagang parang pag-baba po ng bilang at lakas ng mag lindol,” dagdag nito.

Gayunman, nakataas pa rin ang Alert Level 4 sa bulkan dahil sa hindi raw nila isinasantabi ang posibleng pagkakaroon ng mapanganib na pagsabog sa loob ng ilang oras o araw.

Ayon pa kay Bornas, umakyat daw mula 360-tonelada noong Biyernes hanggang 1,442-tonelada ang inilalabas na sulfur dioxide ng bulkan.

Ibig sabihin daw nito ay may senyales ng pagtaas ng magma patungo sa bukana ng bulkan.

“Ine-evaluate pa po natin kung ano po ang kalagayan ng bulkan ngayon po’ng bahagyang humina na po ang kanyang activity… Ine-evaluate pa po natin ‘yung mga probabilities na ‘yung susunod po na pwedeng mangyari,” ani Bornas.