CAUAYAN CITY – Sunod-sunod nang dumarating ang mga delegado mula sa iba’t ibang panig sa bansa at mga dayuhang atleta na sasabak sa Philippine Athletics Championship sa sports complex sa Ilagan City.
Maliban sa 24 teams mula sa buong Pilipinas, lalahok din sa naturang aktibidad ang bansang Jordan, Mongolia, Singapore, Malaysia at iba pang mga bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Dorie Claravall, regional director ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na magiging batayan ang naturang aktibidad para sa mga manlalaro na maaari namang sumabak sa ASEAN Games.
Sa ngayon, mayroon nang kilalang mga atleta kabilang na si Eric Shawn Cray ang dumating na sa Ilagan City at naghahanda na para sa palaro.
Magpapasaya naman sa national open ang ilang kilalang mga artista, kabilang sina Kakai, Juan Karlos Labajo, at iba pa.
Magsisimula ang nasabing torneyo ngayong araw at magtatapos sa Biyernes, Marso 8.