-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang ilang local officials na sangkot umano sa “vote buying”.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nagpapadala ng notice to explain ang kagawaran sa tuwing nakatatanggap sila ng mga impormasyon na may nagaganap umano na vote buying.

Ito aniya ay bilang pagtulong sa ginagawang imbestigasyon at paghahain ng kaso ng Commission on Election (Comelec) tungkol sa nasabing ilegal na gawain sa pamamagitan ng pangangalap pa ng maraming impormasyon.

Aminado rin naman ang kalihim na may mga natatanggap din silang mga ulat ng vote buying na tanging larawan lamang ng mga opisyal ang laman na tila dinoktor pa.

Samantala, nagbabala naman si Año sa lahat ng mga kandidato na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng pondo ng taumbayan, gayundin ang iba pang mga pag-aari ng pamahalaan para sa kanilang mga pangangampanya.

Pinaalalahanan din niya ang mga barangay officials na huwag nang makisali pa sa anumang uri ng pangangampanya para sa mga tumatakbong kandidato para sa halalan, at bagkus ay manatiling patas at hindi dapat gamitin ang kanilang kapangyarihan at impluwensya para sa panghihikayat ng mga botante.

Kung maaalala ay ganap nang binuo ng Comelec ang Task Force Kontra Bigay na naglalayong sugpuin ang mga alegasyon ng vote-buying ngayong panahon ng kampanya para sa darating na halalan.