-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ilang Filipino tourists ang napilitang putulin ang kanilang bakasyon sa isla ng Boracay upang agad na makabalik sa Metro Manila ilang oras bago ang ipapatupad na community quarantine upang mapigilan ang pagkalat pa ng coronavirus disease (COVID-19) sa ibang lugar.

Ayon kay Jean Pontero, special operations officer ng Caticlan Jetty Port, buhos ang mga pasahero ngayong hapon palabas ng isla kaysa sa mga pumapasok.

Nabatid na simula mamayang alas-12:00 ng hatinggabi, ang lahat ng mga biyahe papasok at palabas ng Metro Manila ay ila-lockdown sa loob ng isang buwan.

Samantala, ilang turista na nakatakda sanang magbakasyon sa Boracay na natiempo ang petsa sa ipapatupad na community quarantine ang nagkansela ng hotel booking.

Dagdag pa ni Pontero na patuloy ang biyahe ng mga Roll-on/Roll-off ships o Ro-Ro mula sa Caticlan jetty port papuntang Batangas port habang wala nang biyahe ang Caticlan to Roxas, Mindoro.