CENTRAL MINDANAO-Abangan ang mga lokal na produktong ibibida ng mga kooperatiba sa probinsya kasabay ng selebrasyon ng ika-108 na taong pagkakatatag ng Cotabato o Kalivungan Festival.
Itatampok ng mga kooperatiba mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang kanilang produkto tulad ng Kidapawan Excelsa Robusta Arabica (KERA) coffee, iba’t ibang uri ng mga prutas at iba pa mula sa mga kooperatiba ng Kidapawan City.
Healthy living naman ang konsepto ng kooperatiba sa Pres. Roxas at M’lang sapagkat mga herbal products tulad ng lagundi, assorted tea, liniments, at organic rice gaya ng red, brown, at white organic rice, at iba pang organikong produkto ng Don Bosco ang bitbit ng mga ito para sa exhibit.
Cacao finished products naman tulad ng tablea at tsokolate ang aabangan sa Antipas booth at ang naggagandahang native products tulad ng basket, plato, at iba pang kagamitan sa kusina ang ng makikita sa Aleosan, at mas marami pang produktong lokal mula sa iba pang mga bayan.
Magbibigay naman ng kaukulang papremyo para sa:
- Top seller, P5,000 (food at non-food categories)
- Best Booth, P3,000
Samatala, tatanggap din ng P1,000.00 consolation prize ang bawat kooperatibang lalahok.
Ang Coop Exhibit na matatagpuan sa Pavilion Area, Capitol Compound ay magsisimula kasabay ng opisyal na pagbubukas ng isang linggong pagdiriwang ng Kalivungan Festival 2022 ngayong Biyernes, Agosto 26 na magtatapos din sa September 1. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) sa provincial at local cooperative development councils sa lalawigan.