Inalerto na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga local government units sa mga lugar na tutumbukin ng bagyong Pepito para paghandaan ang epekto na posibleng idulot nito.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, pinaalalahanan nila ang mga LGU na sumunod sa health protocol sa lahat ng gagawing humanitarian operation.
Sinabi ni Timbal dapat kasi protektado ang kanilang mga tauhan gayundin ang kanilang mga ililikas para makaiwas sa COVID-19.
Samantala, nakahanda namang magbigay ng tulong ang NDRRMC sa mga kakailanganin ng mga LGU.
Bukas din ang kanilang operation center para sa mga emergency.
Base sa pinakahuling tala ng PAG-ASA, kumikilos ang bagyong Pepito sa west-northwest ng Northern-Central Luzon Area at inaasahan na mamayang gabi ay tatama sa Aurora-Isabela area.
Dahil dito, nakataas na sa signal number 2 ang ilang lugar gayundin signal number 1 sa iba pang bahagi ng Luzon kasama na ang Metro Manila.