Nadagdagan pa ang mga lugar sa Quezon City na nasa isinailalim sa Special Concern Lockdown Areas.
Batay sa datos na inilabas ng pamahalaang lungsod sumampa na sa 57 na mga lugar ang naka lockdwon ngayon dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, partikular na lugar lamang ang sakop ng SCLA at HINDI buong barangay.
Siniguro naman ng alkalde na mamamahagi ang lokal na pamahalaan ng food packs at essential kits para sa mga apektadong pamilya at sila ay sasailalim sa swab testing at mandatory 14-day quarantine.
Sa kabilang dako, nananatili sa 100% ang bed occupancy rate sa tatlong pampublikong hospital sa siyudad.
Ang Quezon City General Hospital ay nasa 90% ang bed occupancy rate kung saan mayruon itong 108 Covid-19 patient, ang Rosario Mavlang Bautista General Hospital ay nasa 157% occupancy rate na may 85 pasyente habang ang Novaliches District Hospital ay nasa 127.10% occupancy rate na may 61 pasyente.
Sa ngayon nasa 10,517 ang active cases sa siyudad habang nasa 1,408 naman ang nasawi.
Sa kabilang dako, bumaba naman ang bed occupancy rate sa 12 Hope Community Caring Facilities sa siyudad na ngayon ay nasa 49.34% na lamang.
Kaya panawagan ni Belmote sa mga nangangailangan ng pasilidad para sa mga COVID-19 mild o asymptomatic patients, makipag-ugnayan muna sa kanilang barangay o sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) para ma-admit ang mga ito sa HOPE facilities.
Samantala, batay naman sa datos ng PNP Joint Task Force Covid Shield nasa 281 na mga lugar mula sa 146 Barangays sa Metro Manila ang isinailalim sa granular lockdown.
Sa nasabing bilang pito dito ay residential building floor; 55 residential building, 13 kalye, 18 subdivision at dalawang iba pa.
Nasa 98,555 indibidwal ang hinuli ng PNP dahil sa paglabag sa minimum public health standard habang nasa 38,270 naman ang inaresto dahil sa paglabag sa curfew.