-- Advertisements --

Muling nadagdagan ang bilang ng mga lugar na isinailalim sa special concern lockdown sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte nasa ilalim ng Special Concern Lockdown Areas (SCLA) ang 53 na lugar sa lungsod dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Sinabi ni Belmonte na partikular na lugar lamang ang sakop ng SCLA at hindi buong barangay.

Siniguro naman ng alkalde na sila ay mamamahagi ng food packs at essential kits para sa mga apektadong pamilya at sila ay sasailalim sa swab testing at mandatory 14-day quarantine.

Sa ngayon nasa 11,660 ang COVID-19 active cases ng Quezon City habang nasa 91.76% o 145,387 ang gumaling sa sakit at nasa 1,399 ang naiulat na nasawi.

Sa ngayon ang Barangay Bahay Toro ang may pinakamataas na bilang ng COVId-19 active cases na nasa 294, sumunod ang Barangay Bagong Pagasa na may 168 active cases at ang Project 6 na may 151.

Sa kabilang dako, nanatili sa 100% ang occupancy rate sa tatlong pampublikong hospital sa siyudad.

Ang Quezon City General Hospital nasa 98% ang bed occupancy na mayroong 115 pasyente; ang Rosario Maclang Bautista General Hospital ay nasa 139% bed occupancy na may 75 covid-19 patients; at ang Novaliches District Hospital ay nasa 160.40% occupancy rate na may 77 pasyente.

Habang ang 12 Hope community caring facilities ng Quezon City ay kasalukuyang nasa 51.01% ang bed occupancy na may kabuuang 1,733 pasyente.

Panawagan ng pamahalaang lungsod sa mga QCitizens, kung nangangailangan ang mga ito ng pasilidad para sa mga COVID-19 mild o asymptomatic patients, makipag-ugnayan muna sa kani-kanilang mga barangay at QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) para ma-admit sa HOPE facilities.