-- Advertisements --

Binigyang-diin ni COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez na hindi pa rin dapat mapanatag at mag-relax ang mga lugar sa bansa na inilagay na lamang sa general community quarantine.

Sa pulong balitaan sa Malacanang, sinabi ni Galvez na dapat ay paghandaan ng mga local government units (LGUs) na nakakasakop sa nasabing mga lugar ang pinangangambahang second wave ng coronavirus disease.

Ayon kay Galvez, dapat nang ayusin ng mga naturang mga LGUs ang kani-kanilang local healthcare system, testing capacity, at maging mga isolation facilities.

Paliwanag ni Galvez, sang-ayon sa direktiba ng World Health Organization, kailangan phased at gradual ang lifting mula enhanced community quarantine patungong GCQ.

“Ang sinasabi po ng [World Health Organization], kung meron man tayong lifting from ECQ to GCQ, kailangan phased at gradual,” wika ni Galvez. “Doon sa mga mapupunta sa GCQ, ayusin natin ang local healthcare, testing capacity, at isolation facilities. Hindi muna tayo magre-relax.”

Una rito, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na panatilihin ang ECQ sa Metro Manila, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Nueva Ecijia, Pampanga, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Albay, at Catanduanes.

Inirekomenda rin ang extension ng ECQ sa Pangasinan, Tarlac at Zambales pero dadaan pa ito sa review at maaari pang mabago pagsapit ng Abril 30.

Magkakaroon din ng re-checking sa mga lugar sa Visayas na nasa high-risk category, ganon din ang Davao de Oro.

Habang ang mga lugar na hindi nabanggit ay isasailalim na sa GCQ.