Sumampa na sa 131 ang bilang ng mga lungsod at munisipalidad na nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay PCO Asec. Joey Villarama, tagapagsalita ng Task Force El Niño, kasama sa mga lugar na ito ang mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Antique, Sultan Kudarat, Basilan, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at South Cotabato.
Sinabi ni Villarama na nasa P4.39-B na ang halaga ng pinsala ng tagtuyot sa mga taniman.
Katumbas ito ng higit 77 libong ektaryang sakahan na apektado ng matinding init. Pero sabi ng opisyal, 77 porsiyento nito ay kaya pang isalba.
Kaugnay nito’y sinabi ni Villarama na kinukunsidera naman ang cloud seeding sa mga lugar na kailangan ng tubig.
Gayunman, tinitingnan anyang mabuti dito kung mayroong seedable na mga ulap at maging ang ihip ng hangin dahil baka masayang ang proseso kung mapupunta lang sa dagat ang ulan.