Posibleng kailanganin na ng mga lupang tinatamnan ng tubo sa palibot ng bulkang Kanlaon na sumailalim sa rejuvenation.
Katwiran ng Sugar Regulatory Administration (SRA), ito ay upang hindi maapektuhan ang sugar production sa dalawang Negros province na pangunahing naapektuhan ng pagsabog.
Batay kasi sa inisyal na assessment ng SRA, nasa 23,000 na ektarya na binubuo ng apat na sugar mill district ang naapektuhan ng naturang pagsabog.
Ang mga naturang taniman ng tubo ay nakitaan ng pagtaas ng acidity kasama na ang mas mataas ding acidity sa mga dahon ng mga tubong kasalukuyang nakatanim, batay na rin sa naunang pagsusuri gamit ang pH level.
Ang pH level ay ginagamit para matukoy kung gaano kataas ang acidity ng lupa o mga dahon ng mga tubo.
Ayon sa SRA, bago ang pagsabog ay umaabot sa 6.48 pH ang ground acidity ngunit pagkatapos ng pagsabog ay umabot na sa 5.06pH ang acidity ng lupa habang 4.14pH naman sa dahon ng mga tubo.
Sa kasalukuyan, naniniwala naman si SRA Administrator Pablo Azcona na masyado pang maaga upang matukoy kung magdudulot ba ito ng matinding pinsala sa mga pananim na tubo .
Gayunpaman, tiyak aniya na magkakaroon ito ng long-term effect sa mga sakahan o taniman ng tubo, kabilang na ang hindi balanseng nutrients sa lupa, compaction, erosion, atbp.