-- Advertisements --
image 216

Mahigit 26 milyong mag-aaral na ang naka-enrol ngayon para sa School Year (SY) 2023-2024.

Sinabi ng DepEd na patuloy na tumataas ang bilang ng mga mag-aaral para sa kasalukuyang pasukan base sa pinakahuling datos mula sa Learner Information System (LIS).

Umabot na sa 26,304,338 ang kabuuang bilang ng mga rehistradong estudyante para sa bagong school year.

Sa bilang na ito, mayorya ng mga mag-aaral ang nakarehistro sa Rehiyon IV-A na may kabuuang 3,879,738, sinundan ng Region III na may 2,877,398, at National Capital Region (NCR) na may 2,713,999.

Iniulat ng DepEd na 288,012 mag-aaral na rin ang nag-enroll sa Alternative Learning System (ALS).

Dagdag dito, sinabi ni DepEd Assistant Secretary at Deputy Spokesperson Francis Bringas na papayagan pa rin ang late enrollment sa mga pampublikong paaralan hanggang sa katapusan ngayong buwan.

Aniya, dahil sa pagkaantala ng mga klase, maaari pa ring tumanggap ng late enrollees ang mga paaralan, lalo na sa mga lugar na naapektuhan ng mga nagdaang bagyong tumama sa bansa, bago matapos ang Setyembre.