CAUAYAN CITY – Bagamat patuloy sa pagbaba ang kaso ng coronavirus disease mula ng tanggalin ang lockdown sa France ay may mga batang mag-aaral na tinatamaan ng virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Mylene Gonzales, OFW sa Paris, France, sinabi niya na mula ng tanggalin ang lockdown sa France ay marami ng tao ang lumalabas na karamihan ay mga kabataan.
Karaniwan sa kanilang pinupuntahan ay ang Eiffel Tower.
Aniya, wala nang umiiral na curfew at ang mga sasakay ng bus, tren at papasok sa mga shops na lamang ang inoobliga na magsuot ng facemask.
Gayunman, kung mamamasyal sila sa mga parks ay malaya silang hindi magsuot ng facemask lalo na kung gabi dahil wala nang sisita sa kanila.
Subalit ayon kay Gonzales, tanging mga taga-France lamang ang makikitang namamasyal dahil hanggang sa ngayon ay wala pang nakakapasok sa mga border ng nasabing bansa.
Aniya, sa June 2, 2020 ay nakatakda na ring magbukas ang mga museum, restaurants at caffe’ sa France .
Sinabi pa ni Gonzales na sa ngayon ay patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 pero mayroon pa ring mga namamatay lalo na sa katimugang bahagi ng France.
Ang ikinababahala lamang nila ngayon ay hindi na nasusunod ang social distancing pangunahin sa mga pagsakay sa mga bus.
Dahil dito ay maraming mga bata na nasa primary schools ang tinamaan ng virus.
Sa ngayon ay idinadaan na lamang nila sa dobleng pag-iingat at pagdarasal ang lahat para hindi mahawa sa sakit.