CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi napigilan ng mga opisyal ng Mindanao State University -Marawi Main Campus ang pagsiuwian ng kanilang mga mag-aaral pabalik sa kani-kanilang mga probinsya sa Mindanao region.
Kasunod ito sa malagim na pangyayari na napasabugan ng 60MM mortar na nagsilbing improvised explosive device (IED) ang Catholic mass goers sa loob ng Dimaporo gymnasium ng unibersidad kahapon ng umaga.
Sinabi ni Lanao del Sur Gov.Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr na napagkasunduan sana ng MSU officials na tapusin muna ng mga mag-aaral ang kanilang final exam nitong araw bago sila magsi-uwian sa mga probinsya.
Subalit mas nanaig ang kagustuhan ng mga mag-aaral dahil nagpasaklolo ang kanilang mga magulang sa local government unit officials na mapauwi muna ang mga anak nila dahil sa pangamba at takot sa pangyayari.
Magugunitang karamihan sa mga biktima ng pambobomba ay mga estudyante na kinabilangan sa apat na nasawi nang sumabog ang EID sa mismong venue ng holy mass.
Magugunitang tinukoy ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr na foreign elements ang nasa likod ng IED explosion na agad inako naman ng grupong ISIS isang araw makalipas ang pangyayari.
Hindi pa nagbigay kompirmasyon ang liderato ng pulisya at militar patungkol sa binanggit ni Marcos.