-- Advertisements --

Pinagsusuot ng akmang mga proteksyon ang mga magsasaka sa buong bansa sa kanilang paghawak o pagpapastol sa mga alagang kambing at mga baka.

Ito ay kasunod ng unang kumpirmasyon sa presensya ng Q-fever sa bansa, at sa kabila ng pagtitiyak ng Department of Agriculture na under control na ang naturang sakit.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, presidente ng Philippine College of Physicians, mataas ang tyansang mahawaan ang mga magsasakang humahawak sa mga kambing at mga baka.

Kailangan aniyang gumamit muna ang mga ito ng gloves at face mask upang malimitahan ang posibilidad ng hawaan dahil sa banta ng Q-fever.

Sa mga nagkakatay ng mga kambing at baka, kailangan aniyang magsuot o gumamit ang mga ito ng anumang pananggalang upang hindi sila matalsikan ng mga body fluid na nanggagaling sa karne ng mga ito.

Una nang tiniyak ng DA na ligtas kainin ang mga karne ng kambing at mga baka bastat naluto nang maayos ang mga ito.

Nitong nakalipas na linggo nang unang kinumpirma ng DA ang pagpositibo sa Q-fever ng 19 mula sa 94 na imported na kambing.

Ang mga naturang kambing ay galing umano sa US.