LEGAZPI CITY – Naalarma ang mga magsasaka sa Brgy. Pajo San Isidro, Virac, Catanduanes matapos na umabot na sa 15 kalabaw ang namatay sa lugar mula pa noong nakaraang buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Virac Mayor Sinforoso Sarmiento, nagsagawa na ng eksaminasyon ang Municipal Agriculture Office sa internal organs ng mga namatay na hayop.
Dito nakumpirma na liver fluke o isang klase ng uod na umaatake sa atay ng hayop ang dahilan ng magkakasuod na pagkamatay ng mga kalabaw na maaring nakuha mula sa iniinom nitong maruming tubig na dinaanan ng baha.
Agad na nagbigay ang lokal na gobyerno ng gamot para sa iba pang kalabaw upang maiwasan na ang pagkamatay pa nito at pagkalugi ng mga magsasaka.
Nabatid na ito ang unang beses na nangyari ang insidente sa lugar na dumagdag pa sa pagkalugi ng mga magsasaka na labis ng naapektohan ng mga bagyo.