CENTRAL MINDANAO-Tinugunan ng lokal na pamahalaan ng Kabacan Cotabato ang mithiin ng mga farmers association sa bayan ng Kabacan na mailapit ang mga ito upang maging kooperatiba.
Abot sa walong farmers association ang nakiisa sa isang seminar na maglalayong mailapit ang mga ito sa mas malaking opurtunidad na mapaunlad ang kanilang samahan sa tulong ng Cooperative Development Authority.
Ayon kay Mun. Administrator Ben C. Guzman, tugon ito ng lokal na pamahalaan ng Kabacan sa pangunguna ni Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. upang mabigyan ng mas magandang opurtunidad ang mga nasabing grupo na mapaunlad ang kanilang samahan.
Hinikayat din nito ang iba pang mga asosasyon na makipag-ugnayan sa tanggapan ng Municipal Agriculture Office at hanapin si Designated Municipal Cooperative Development Officer Robin Dela Cruz.
Samantala,lubos ang kasiyahan ni Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. matapos mapagkalooban ang apat na mga kooperatibang pang-agrikultura ng makina mula sa Kagawaran ng Pagsasaka.
Ang tinutukoy ay ang Nagasat a Mannalon IA na tumanggap ng 1 unit 4wD Tractor, Mannalon ITi Abagatan tumanggap ng 1 unit 4WD tractor at 1 unit combine harvester, Cuyapon Farmers Agri Mktg Coop na tumanggap ng 1unit 4WD Tractor at 1 unit Combine harvester, at Lower Paatan MPC na tumanggap ng 1 unit 4WD Tractor.
Ayon kay Mayor Guzman, malaki ang tulong ng kagawaran ng pagsasaka sa mga magsasaka at mangingisda sa bayan kung kaya hinimok nito ang bawat magsasaka’t mangingisda na bumuo ng grupo at lumapit sa Mun.Agriculture Office upang matulungan na mailapit ang mga ito sa ahensya.
Samantala, matatandaang bilang tugon ng lokal na pamahalaan sa mga grupong agrikultura sa bayan, nagkaloob ito ng aabot sa 200,000 na ayuda para sa kanilang programa at aktibidad sa pangunguna ni Mayor Guzman.
Maliban sa pinansyal na tulong, siniguro naman ni Mayor Guzman na nakahandang mag-abot ang lokal na pamahalaan ng tulong at suporta tulad ng capacity building at seminars upqng maalakas ang bawat grupong ito.